IKINATUWA ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagpapahintulot sa pag-isyu ng safe conduct pass para sa mga indibidwal na naghain ng aplikasyon para sa amnestiya.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Estrada na ang hakbang na ito ay isang konkretong senyales ng pagtupad ng pamahalaan sa pangakong kapayapaan at pagkakaisa.
Sinabi ni Estrada na mahalagang hakbang ang kautusan ng Pangulo para sa bagong buhay at bagong pag-asa para sa mga dating rebelde at itinuturing na kalaban ng pamahalaan.
Si Estrada ang nanguna sa Senado sa pag-apruba ng Presidential Proclamations 403, 404, 405, at 406 na nagbibigay ng amnestiya sa mga dating rebelde at armadong grupo.
Ang nasabing kautusan anya ay nagpapakita ng tunay na malasakit sa mga Pilipinong nagnanais na muling maging bahagi ng lipunan sa mapayapang paraan.
Tinawag din niya itong isang makabuluhang hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan, kaunlaran, at pag-unlad ng ekonomiya.
Sa kabuuan, iginiit ni Estrada na ang amnestiya ay nananatiling pinakamainam na polisiya para tuluyang wakasan ang alitan sa pagitan ng pamahalaan at mga rebeldeng grupo.