dzme1530.ph

Sa paglilipat ng sobrang pondo ng PhilHealth, mahalagang hakbang sa pagtiyak sa access ng lahat sa medical services

BAGAMA’T ikinatuwa ang paglalabas ng Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa paglilipat ng P89.9-billion PhilHealth funds sa National Treasury, sinabi ni Senador JV Ejercito na hindi pa nagtatapos ang kanilang hakbangin para matiyak ang access ng lahat sa medical services.

Sinabi ni Ejercito na mahalaga ang inilabas na TRO ng Korte Suprema upang matiyak na ang healthcare funds ay magugugol lamang sa benepisyo ng mga Philhealth members. Hindi anya katanggap-tanggap na may malaking pondo ang hindi nagagamit ng PhilHealth habang marami ang patuloy na nahihirapan sa kanilang gastusin sa ospital.

Idinagdag pa ng senador na dapat ipaliwanag ng Philhealth sa taumbayan ang hindi nito paggamit sa pondo para sa mga miyembro upang palawigin ang health benefits, bawasan ang kontribusyon at dagdagan ang suporta sa mga indigent, senior citizens, at Persons with Disabilities (PWDs).

Muli rin niyang kinalampag ang mga kongresista na iprayoridad ang pagpasa sa pag-amyenda sa Universal Healthcare Law at gawin ito bago ang pagtatapos ng taon. Kasama sa isinusulong na pag-amyenda sa UHC ang probisyon na nagmamandato na ang pondo ng Philhealth ay hindi magagamit sa iba pang programa at proyekto. —ulat mula kay Dang Garcia

About The Author