dzme1530.ph

RxBox TeleHealth Device Mass production isinusulong ng DOST para sa mga liblib na lugar

Isinulong ng Department of Science and Technology (DOST) ang mass production ng RxBox TeleHealth Device Mass para sa pagtataguyod ng kalusugan sa mga lokal na pamahalaan partikular na sa mga liblib na lugar.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon Special briefing, ipinaliwanag ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. na ang RxBox ay kasangkapang nilikha ng mga eksperto mula sa University of the Philippines at magagamit ito sa pagche-check ng blood pressure, temperatura, oxygen, ECG, at fetal monitor para sa mga buntis.

Ang datos na makukuha sa pasyente ay maaaring ipadala na lamang via internet sa mga espesyalistang nasa ospital ng Department of Health (DOH) para sa pagbibigay ng reseta at gabay upang hindi na nila kailanganin pang bumiyahe ng malayo patungo sa mga pagamutan.

Sinabi pa ni Solidum na kung magkakaroon nito ang bawat lugar, matutugunan nito ang kakulangan sa medical officers lalo sa mga Barangay.

Kaugnay dito, plano ng DOST na ilapit ang producer ng RxBox sa mga investor at kapitalista para sa mass production lalo’t marami pa umanong mga Local Government Unit ang humihingi nito.

Sa pamamagitan nito ay maco-commercialize at maibababa rin ang presyo ng RxBox na kasalukuyang naglalaro sa isandaang libong piso bawat set.

About The Author