Tinawag na “malicious, unfounded, at misleading” ni Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez ang online report na nagsasabing may kinakausap ito upang impluwensyahan ang Maharlika Investment Fund (MIF).
Sa isang pahayag, inamin ni Romualdez na sinuportahan niya ang pagbuo ng MIF o wealth fund at nag-invest din sa Maharlika Investment Corporation (MIC).
Subalit mariin nitong itinanggi na adviser niya o madalas kausap ang British-Swiss national na si Patrick Mahony, na isang convicted fraudster at money launderer.
Ayon kay Romualdez, wala siyang kinakausap na sinumang indibidwal hinggil sa investments, advisory roles, o management decisions na may kaugnayan sa Maharlika Wealth Fund.
Una nang lumabas sa Malaysian-based investigative news outlet na Sarawak Report ang ulat na umano’y “frequently meeting” ni Romualdez kay Mahony, na sinasabing nagsisilbing “adviser” ng Maharlika fund.
Batay sa ulat, si Mahony ay nahatulan ng pagkakakulong ng Swiss court noong 2024 dahil sa papel nito sa multibillion-dollar embezzlement scheme na kinasangkutan ng Malaysia’s 1Malaysia Development Berhad (1MDB).
Malaya pa rin si Mahony dahil nananatiling pending ang kanyang apela sa korte.