Kinumpirma ng Philippine Space Agency (PhilSA) na ang smoke trail at malalakas na tunog na namataan at narinig sa Palawan kahapon ay nagmula sa inilunsad na Long March 12 rocket ng China.
Ayon sa PhilSA, napansin ng mga residente ang smoke trail mula alas-6:30 hanggang alas-6:45 ng gabi, na posibleng nagmula sa Hainan International Commercial Launch Center ng China.
Bagama’t kumpirmado ang rocket launch, patuloy pa ring iniimbestigahan ng PhilSA at ng Inter-Agency Technical Working Group (TWG) ang insidente. Nakatakda rin ang mga itong maglabas ng opisyal na ulat.
Kinumpirma rin ng Philippine Coast Guard (PCG) na may narinig na limang magkakasunod na pagsabog sa silangang bahagi ng Palawan noong Lunes, August 4, na kaugnay ng naturang rocket launch.
Nagpapatuloy naman ang Philippine Navy sa pagbabantay ng maritime security at environmental monitoring sa karagatan ng bansa.