dzme1530.ph

Rocco Nacino, muntikan nang mabiktima ng basag-kotse gang

Muntikan nang mabiktima ng basag-kotse gang ang aktor na si Rocco Nacino habang namamasyal sa Manila Ocean Park.

Ibinahagi ni Rocco sa kanyang Facebook post ang naranasan ng kanilang driver sa parking lot ng naturang establisyimento.

Kwento ng driver ng aktor, umidlip lang daw ito sa loob ng sasakyan habang nag-aantay sa kanila. Matapos ang ilang minuto, napansin ng driver ang dalawang naka-park na sasakyan sa harapan ng kanilang sasakyan.

May lumabas daw na pitong katao, limang lalaki at dalawang babae mula sa dalawang sasakyan at pinalibutan ang sasakyan ng aktor.

Doon na daw kinabahan ang driver at nagpanggap na natutulog habang palihim na pinapanuod ang ginagawa ng mga ito.

Narinig niya umano ang isang lalaki na nagtanong sa babae kung may tao ba sa loob ng sasakayan at kung may makukuha ba sila rito. Sumagot aniya ang babae na mayroon palang natutulog sa loob kaya nagdalawang isip kung itutuloy pa ba nila ang krimen.

Dahil dito, nanawagan ang aktor sa pamunuan ng Manila Ocean Park na mas higpitan pa ang seguridad sa lugar lalo na para sa kanilang mga customer. —sa panulat ni Jam Tarrayo

About The Author