dzme1530.ph

Roberto Uy Jr., naproklama bilang kinatawan ng Zamboanga Del Norte

Naproklama na ng Commission on Election (Comelec) si Roberto “Pinpin” Uy Jr. bilang nanalong kandidato noong 2022 Election para sa unang distrito ng Zamboanga Del Norte, biyernes ng umaga.

Ginawa ng poll body ang prokamasyon, dalawang buwan makaraang ibaba ng Supreme Court ang desisyon pabor kay Uy na nagdedeklara ng lehitimong pagkapanalo niya sa halalan laban kay Romeo Jalosjos Jr.

Si Jalosjos Jr. ay unang naproklama ng Comelec bilang nanalong Congressional Candidate noong Hunyo 23, 2022 bagaman pangalawa lamang ito sa bilangan kay Uy, makaraang ilipat sa kanya ang mahigit limanlibong boto na nakuha ni Frederico Jalosjos Jr. na idineklarang nuisance candidate.

Sa ruling ng Korte Suprema noong Agosto sinabi nito na ang mga kandidatong nakakuha ng pinakamataas na boto ay dapat hindi inaantala ang prokalamasyon.

Iginiit din ng Korte Suprema na bagaman may pagkakapareho sa pangalan ang “Jalosjos, Kuya Jan (NUP)” at “Jalosjos, Jr., Romeo (NP)” sa balota, makikita naman ang pagkakaiba sa pangalan ng dalawang kandidato.

-Panulat ni Lea Soriano-Rivera
-Ulat ni Felix Laban III

About The Author