![]()
Tiniyak ni DPWH Secretary Vince Dizon na isasailalim na sa pre-audit ang mga road projects ng ahensya upang matukoy kung kinakailangan na ngang kumpunihin ang isang kalsada o hindi.
Sa pagbusisi ng panukalang pondo ng DPWH para sa 2026, sinabi ni Dizon na bukod sa post-audit, magkakaroon na rin ng pre-audit upang maiwasan ang duplication o ang pagpopondo sa parehong proyekto nang dalawang beses o higit pa, kahit pareho lang ang lokasyon, layunin, o saklaw ng trabaho.
Ito ay kasunod ng puna ni Senador Erwin Tulfo na madalas na nagiging sanhi ng duplication ang paulit-ulit na pagbubungkal ng kalsada kahit katatapos pa lamang ng proyekto.
Aniya, karaniwan ito sa Region 5 o Bicol Region, partikular sa highway mula Quezon hanggang Camarines Sur, kung saan madalas na nasisira ang mga kalsada.
Ipinaliwanag ni Dizon na matagal nang isyu ang reblocking, kaya’t noong Oktubre 7 ay naglabas siya ng memorandum na nagsususpinde sa lahat ng reblocking activities hangga’t hindi nailalabas ang malinaw na guidelines at criteria kung kailan dapat magsagawa ng reblocking.
Posible umanong sa mga susunod na linggo ay matapos na ang mga patnubay kung kailan ito papayagang muli.
