dzme1530.ph

Rise project, itinatag ng DOJ, DA!

Nagsanib-pwersa ang Department of Justice (DOJ) at Department of Agriculture (DA) para sa pagtatatag ng Reformation Initiative for Sustainable Environment for Food Security (RISE) project.

Sinaksihan mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paglagda ng Memorandum of Agreement sa Malakanyang para sa RISE project sa pangunguna nina Justice Sec. Boying Remulla, at DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban.

Sa ilalim ng proyekto, gagamitin ang malawak na lupain ng Bureau of Corrections para sa agrikultura, kung saan pagtatanimin ng iba’t ibang uri ng pagkain ang persons deprived of liberty mula sa Iwahig Prison sa Palawan.

Limandaang ektarya ng lupa ng BuCor ang gagawing agri-tourism sites at food production areas.

Ide-develop din ang tatlumpung ektaryang taniman ng kasoy, isang ektaryang edible landscaping at agri-tourism site, at 25 ektaryang taniman ng yellow corn o mais.

Kalahating ektarya rin ng lupa ang gagamitin para sa 25,000 tilapia fingerlings, 40 ektarya para sa palay, at 400 ektarya na forage at dairy production area.

Sa kanyang talumpati, inihayag ng Pangulo na ang RISE project ay inisyatibo ng gobyerno para sa pagtataguyod ng food security at rehabilitative justice. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author