Sa gitna ng krisis sa bigas, iginiit ng ilang senador na panahon nang rebisahin ang Rice Tariffication Law o ang batas para sa malayang importasyon ng bigas kapalit ng 35% na taripa.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, dapat mabusisi ang batas dahil tila hindi nito natutupad ang pangakong resolbahin ang problema sa bigas at sa halip ay lalo pang tumaas ang presyo nito.
Sinabi ni Zubiri na dapat ipatawag sa pagdinig ng Senate Committees on Agriculture at ng Trade and Commerce ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas upang masuri kung saan ang problema kaya’t hindi naisasakatuparan ang pangako nito.
Sinabi naman ni Senador Cynthia Villar na kailangan talagang magkaroon ng review sa batas dahil hanggang 2025 na lamang ang bisa nito.
Nanindigan naman si Villar na naging matagumpay ang implementasyon ng batas at katunayan sa Nueva Ecija ay naibaba na nila ang production cost ng palay nang hanggang P8 kada kilo at posibleng makapagbenta ng bigas ng P25 bawat kilo.
Naniniwala si Villar na gumagawa lamang ng artificial shortage ng suplay ng bigas ang mga cartel upang maitaas ang presyo ng bigas.
Naghihinala pa ang senadora na nakikipagsabwatan ang ibang ahensya ng gobyerno para gumawa ng ganitong senaryo upang hindi na ma-renew pa ang batas at muli nang mamayani ang mga cartel sa pag-aangkat ng bigas. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News