dzme1530.ph

Rice crisis, ibinabala ni Sen. Grace Poe

Nagbabala si Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe ng posibleng rice crisis kasunod ng desisyon ng India na itigil na ang pag-eexport ng bigas.

Ito ay bunsod na rin ng kakapusan ng suplay ng bigas dahil sa pagbaha sa India na nakaapekto sa kanilang mga palayan.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Poe na posibleng tumaas pa ang global rice prices bilang collateral impact ng pagtigil ng rice exportation ng India.

Hindi naman anya masisisi ang India sa kanilang desisyon dahil kailangang unahin nila ang kanilang 1.4-B na mamamayan.

Subalit ipinaalala ni Poe na may obligasyon din ang bansa sa 113-M Filipinos, partikular sa 3.4-M na mga estudyante na umaasa sa feeding program.

Hinimok din ni Poe ang gobyerno na magtalaga ng full-time Agriculture Secretary; ayusin ang irrigation systems; tuparin ang pangakong habulin ang mga smuggler at hoarders at tiyakin ang sapat na budget para sa 2024.

Samantala, inihayag ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na irerekomenda niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga ng rice producing zones sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa bawat rice producing zone anya ay dapat italaga ang mga DA Undersecretary at Assistant Secretary para tutukan ang produksyon at kung hindi maging produktibo ay agad silang tanggalin sa pwesto. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author