dzme1530.ph

Resupply ship ng Pilipinas, isang oras na tila dumaan sa delubyo

Isang oras na tila dumaan sa delubyo ang resupply ship ng pilipinas na Unaiza Mae 4 nang pagtulungang bombahin ng tubig ng dalawang dambuhalang barko ng China Coast Guard sa gitna ng kanilang misyon sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea noong Sabado.

Malubhang pinsala ang tinamo ng Unaiza na gawa lamang sa kahoy, kabilang na ang nasirang radio communications equipment, natuklap na bubong at mga dingding, at nabasag na salamin sa bridge ng barko.

Bukod pa rito ang mahigit sampung sundalo na nasaktan, kabilang ang tatlo na nagtamo ng mas matinding sugat sa mata at ulo, matapos tamaan ng mga bubog.

Dumiskarte naman ang kapitan ng BRP Cabra ng Philippine Coast Guard para makalapit sa Unaiza at mailipat ang mga nasugatan upang malapatan ng paunang lunas.

Ang BRP Cabra rin ang humila sa Unaiza habang ang mga sakay nitong supplies at tropa ay inilipat sa rubber boats na siyang naghatid sa nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

About The Author