Inihayag ng lokal na pamahalaang lungsod ng Taguig na hinihintay pa nila ang resulta ng imbestigasyon sa nangyaring food poisoning sa 45 residente ng Brgy. Upper Bicutan sa Taguig City.
Ayon sa Taguig Public information office, nag-ugat ang lason sa nabiling pagkain ng mga biktima sa isang food stall.
Nanatili pa sa magkahiwalay na hospital ang nasa higit 20 pasyente habang nadischarge na ang iba.
May medical team din mula sa City Health Office na umikot sa lahat ng nakauwing pasyente upang tingnan ang kanilang kalagayan.
Ayon kay City Epidemiology Disease and Surveillance Unit (CEDSU) head Dr. Jun Sy, nagsasagawa pa sila ng food trace back at isang survey para sa kalinisan sa lugar, mga posibleng rekomendasyon at action plan para maiwasan ang mga ganitong insidente. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News