Naghain si Senador Jinggoy Estrada ng resolusyon para sa pakikidalamhati ng Senado at pagkilala sa kontribusyon ng broadcast journalist na si Mike Enriquez na pumanaw noong Martes.
Sa kanyang Senate Resolution No. 770, sinabi ni Estrada na ang pagpanaw ni Enriquez ay isang malaking kawalan lalo na sa propesyon ng pamamahayag at broadcasting industry na kasalukuyang nasa ilalim ng disinformation, fake news at iba pang masamang epekto ng digital media age.
Sa kanyang 54-taong karera bilang isang pinagkakatiwalaang personalidad sa radyo at telebisyon, sinabi ni Estrada na nakakuha ng maraming pagkilala si Enriquez mula sa mga lokal at international na award-giving bodies.
Samantala, nakatakda ring maghain ng kaparehong resolution si Senator Sonny Angara na nagbigay papuri kay Enriquez sa kanyang dedikasyon sa trabaho, integridad at pangunguna sa pagtataas ng lebel ng broadcast journalism sa bansa partikular na sa larangan ng AM news radio kung saan siya nagsilbing icon ng industriya.
Kapwa rin inilarawan nina Estrada at Angara si Enriquez bilang boses at mukha ng prime time news sa telebisyon.
Hindi rin anila matatawaran ang pagnanasa ni Enriquez na palagiang i-deliver ang factual at unbiased news kahit sa gitna ng kalamidad, disasters at emergencies, at pagiging vigilante laban sa mga tiwaling opisyal na mapatutunayan sa kanyang kilalang linya na “Hindi namin kayo tatantanan”.
Sinabi pa ni Angara na ang legasiya ni Enriquez bilang hinahangaan at respetadong personalidad sa broadcast media ay hindi makalilimutan ng milyun-milyong Pinoy sa Pilipinas at maging sa ibayong dagat.
Habang ang kanyang adhikaing palagiang maihatid ang mapagkakatiwalaang balita ay magsisilbing inspirasyon hindi lamang sa mga kasalukuyang mamamahayag kundi maging sa mga batang Pinoy na nangangarap maging journalist sa mga susunod na panahon. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News