Inihain ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang resolusyon na naglalayong tapusin sa loob ng 19 na araw ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang Senate Resolution 1367, target ni Tolentino na makapagbaba sila ng hatol ng June 30 o sa huling araw ng 19th Congress.
Sa panukalang impeachment calendar, matapos ang pag-convene ng Senado bukas bilang impeachment court, bibigyan ng 10 araw si VP Sara upang sumagot hanggang June 21 sa mga alegasyon laban sa kanya.
Bibigyan naman ang prosecution team ng hanggang June 22 para tumugon.
Itinakda naman ang pretrial briefs ng June 23 na susundan ng opening statement ng prosecution at dipensa.
June 24 at 25 naman itinakda ang paghaharap ng mga ebidensya ng prosecution at sa June 25 at 26 maghaharap ng ebidensya ang kampo ng dipensa.
Ilalaan naman ang June 27 para sa rebuttal ng prosecution at dipensa habang sa June 28 ang oral arguments habang June 29 itatakda ang closed-door meeting ng senator judges para sa paglalabas ng hatol sa June 30.
Iginiit ni Tolentino na sa ganitong impeachment calendar, maiiwasan ang constitutional issue ukol sa pagtawid ng proceedings sa 20th Congress.