dzme1530.ph

Resolution para hilingin sa Korte Suprema na muling pag-aralan ang ruling sa impeachment, ihahain sa Senado

Loading

Buo pa rin ang pag-asa ni Sen. Risa Hontiveros na maikoconvene pa rin ang impeachment court para dinggin ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa kabila ng ruling ng Korte Suprema.

Katunayan, sinabi ni Hontiveros na nagpapaikot na rin sila ng resolution na nagsusulong ng ‘Sense of the Senate’ na ipakunsiderang muli sa Korte Suprema ang kanilang naging desisyon.

Sa resolusyon, nais magkaroon ng stand ang Senado para sa aplikasyon ng probisyon sa Konstitusyon kaugnay sa fairness principle o pagkakapantay-pantay at ang doctrine of operative facts.

Isinusulong sa resolusyon ang paninindigan ng Senado na pag-aralang muli ng mga mahistrado ang ruling at ikunsidera ang mga probisyon sa Konstitusyon, na bagaman ang Korte Suprema ang may kapangyarihan para sa judicial review, ang Kamara naman ang may kapangyarihang mag-initiate ng impeachment complaint at ang Senado ang dapat maglitis at magdesisyon sa impeachment.

Tinukoy din sa resolution ang naging komento ni dating Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna na nagsabing bagama’t legally correct ang desisyon ng Korte Suprema, maituturing naman itong “grossly unfair.”

Ito ay dahil idineklara aniyang unconstitutional ang reklamo dahil sa paglabag sa one year bar rule na ibinatay sa binuo rin nilang bagong kahulugan ng terminong “initiated” o pagsisimula ng reklamo na batayan ng one year bar rule.

Binanggit din sa resolusyon ang naging pahayag ni dating Chief Justice Artemio Panganiban na dapat nagkaroon ng oral arguments bago nagpalabas ng ruling dahil sa bigat ng usapin.

Sa ngayon ay apat na senador na ang pumirma sa resolution.

About The Author