dzme1530.ph

Resolution ng Kamara kaugnay sa articles of impeachment laban kay VP Sara, hindi pa nakakarating sa Senado

Loading

Wala pang natatanggap ang Senate Impeachment Court na kopya ng ipinasang resolusyon ng Kamara na nagpapatunay na hindi nila nilabag ang nasa konstitusyon sa paghahain ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Impeachment Court Spokesman Atty. Reginald Tongol, hanggang alas-4 ng hapon kahapon ay walang nakakarating sa kanila na resolution.

Sinabi naman ni Senate President Francis Escudero na hindi siya makakapag-komentaryo kung tama ang inaprubahang resolusyon ng Kamara dahil narinig pa lang niya ito sa balita at hindi pa alam kung totoo ito.

Nilinaw ni Escudero na ngayong nabuo na sila bilang impeachment court, lahat ng komunikasyon ay dapat idaan na sa pleadings at hindi sa pamamagitan ng press release o press statement.

Ipinaalala din ng senate leader na hindi lang sertipikasyon na nagpapatunay na dumaan sa tamang proseso ang articles of impeachment ang ipinasusumite sa Kamara.

Kasama rin sa naging atas ng impeachment court ang sertipikasyon na nagpapatunay na intresado pa rin sila na isulong ang impeachment case hanggang sa 20th Congress

Kahit pa makasunod ang Kamara sa mga hinihinging sertipikasyon sinabi ni Escudero na sa July pa rin masisimulan ang aktwal na paglilitis.

About The Author