Inadopt na ng Senado ang Concurrent Resolution No. 4 na naglalayong gawing transparent ang proseso sa paghimay at pagbuo ng panukalang 2026 national budget.
Nakasaad sa resolusyon na ili-live stream ang lahat ng hearings sa national budget, kasama ang bicameral conference committee, gayundin ang budget briefing, public hearing, at plenary discussions.
Ipopost din sa website ng Senado at Kamara ang lahat ng dokumento na may kinalaman sa budget, kabilang na ang budget request ng bawat ahensya, ang General Appropriations Bill o ang inaprubahang bersyon ng Kamara, at ang aaprubahang bicameral conference committee.
Maglalabas din ang Senate Committee on Finance ng matrix ng mga pagbabago sa panukalang budget kapag dumaan sa Kamara, Senado, at bicam.
Sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na maaaring magsagawa ng sariling pag-aanalisa at pagkukumpara ang publiko sa national budget.