Inihain na ni Senador Grace Poe ang resolusyon para imbestigahan ang paglubog ng pampasaherong bangka sa Laguna Lake sa bahagi ng Binangonan, Rizal.
Sa kanyang Senate Resolution No. 704, nais matukoy ni Poe ang accountability sa July 27 tragedy at matukoy kung nasunod ang maritime regulations.
Sinabi ni Poe na nabunyag sa trahedyang ito ang mga lapses sa maritime safety compliance na dapat ding rebisahin upang matukoy kung sapat ang mga regulasyon para sa ligtas na paglalakbay.
Muli ring binigyang-diin ni Poe ang pangangailangan ng National Transport Safety Board na independent investigation body sa tututok sa mga aksidente sa transportasyon.
Tututukan sa imbestigasyon ang sinasabing ulat ng overloading kung saan maaaring papanagutin ang operator, ship owner at boat captain.
Maaari rin anyang maharap sa pananagutan ang Philippine Coast Guard dahil sa kabiguang i-monitor ang bilang ng mga pasahero, balidasyon ng manifest, at mga regulasyon sa pagkonsidera sa masamang panahon kahit wala ng storm signal.
Hindi rin dapat palusutin, ayon kay Poe ang Maritime Industry Authority (MARINA) na dapat tumitiyak sa seaworthiness ng mga sasakyang pandagat. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News