dzme1530.ph

Resolusyon para sa imbestigasyon sa “degree for sale” sa Cagayan, inihain sa Senado

Inihain na ni Sen. Sherwin Gatchalian ang resolusyon na nananawagan sa senado na imbestigahan ang mga ulat na nagbabayad ng hanggang P2 milyon ang mga dayuhang mag-aaral sa Cagayan para makakuha ng mga degree.

Sa paghahain niya ng Proposed Senate Resolution No. 1007, iginiit ni Gatchalian na dapat matukoy ang katotohanan ukol sa mga ulat na unang ibinahagi ni University of the Philippines professor Chester Cabalza.

Ayon kay Cabalza, hindi pumapasok sa kanilang mga klase ang ilan sa mga mag-aaral na sinasabing nagbabayad para makakuha ng diploma.

Una nang hinimok ni Gatchalian ang Commission on Higher Education (CHED) na imbestigahan ang mga ulat.

Nanawagan naman ang Komisyon kay Cabalza na pormal na maghain ng reklamo bago simulan ng CHED ang kanilang imbestigasyon.

Iginiit din ng senador na bagama’t suportado niya ang internationalization, tinututulan niya ang anumang mga gawaing makakasira sa reputasyon ng mga kolehiyo at pamantasan sa bansa, lalo na kung makikilala ang mga ito bilang mga diploma mill.

About The Author