Kasunod ng privilege speech ni Manila Cong. Benny Abante, Jr. kaugnay sa nasunog na Manila Central Post Office (MCPO), 42 kongresista ang lumagda sa resolusyon para imbestigahan ito.
Pinangunahan ni Pangasinan Cong. Christopher de Venecia ang pagsusulong ng House Resolution 1019 upang imbestigahan ang tinawag nitong “disastrous fire” na tumupok sa neoclassical MCPO.
Para sa mga kongresista, hindi lamang gusali ang nasira ng sunog kundi isang historical structure, architectural element at invaluable cultural artifact.
Sa privilege speech ni Abante, hindi nito hangad na hanapin pa ang may sala sa nangyaring sunog, bagkus nais nitong isailalim agad sa structural integrity at electrical evaluation ang lahat ng iconic landmarks at historical sites sa buong bansa.
Itinutulak din nito ang pagkakaroon ng government at private foundation partnership na irerehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) para sa administration at management ng lahat ng iconic landmarks at national heritage sites kabilang na ang restoration, repair at preservation ng mga ito.
Umaasa si Abante na bago ang 2026 maibabangon na muli ang Manila Central Post Office kasabay ng centennial anniversary nito. —sa ulat ni Ed Sarto, DZME News