Isang resolusyon ang ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila para palakasin pa ang mga programa kontra dengue.
Sa ilalim ng City Council Resolution 7437, hinihikayat ang lahat na makibahagi sa paglaban sa nakamamatay na sakit.
Nabatid na halos dumoble ang mga kaso ng dengue sa unang tatlong buwan ng 2023 na umaabot sa 27,670 sa buong bansa mula sa 14,278 sa parehong panahon noong nakaraang taon at nagresulta sa pagkamatay ng 92 katao.
Dahil dito, mas papaigtingin pa ang programang apat na “S” ng pag-iwas sa dengue sa Maynila tulad ng: Suyurin at sirain ang mga pinamumugaran ng mga lamok; Sarili ay protektahan laban sa lamok; Sumangguni agad sa pinkamalapit na pagamutan kapag may naramdamang sintomas; at Sumuporta sa pagpapausok kapag may banta ng outbreak.
Ang mga kopya ng resolusyon ay ipapadala sa lahat ng kinauukulang tanggapan sa lungsod, kabilang ang mga barangay, simbahan, pampublikong pamilihan, pampublikong ospital, Division of City Schools, at Office of Mayor. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News