Inaprubahan na ng Senado ang resolusyon na humihimok sa National Telecommunications Commission na mag-isyu ng provisional authority sa Starlink upang magtayo, magpanatili at mag-operate ng satellite ground stations para makapagbigay ng internet services sa bansa.
Sa pahayag ni Sen. Grace Poe sa pag-eendorso sa Senate Joint Resolution no. 3, binigyang-diin na 65% ng mga Pilipino sa bansa ang “unconnected” o wala pa ring serbisyo ng internet at marami ang loading pa rin sa internet dahil hindi makapagtayo ng imprastraktura sa malalayong lugar.
Isa aniya ang Starlink ng negosyanteng si Elon Musk sa nakikitang pagasa at solusyon upang maabot ng internet connectivity ang maraming malalayo at isolated na lugar sa bansa na hindi kailangang magtayo ng pasilidad.
Iginiit pa ni Poe na maraming ahensya ng pamahalaan at non-government organizations (NGOs) ang gumagamit ng Starlink para maihatid ang mga mahahalagang programa mula nang makatanggap ng otorisasyon ang Starlink sa NTC at DICT noong 2022.
Iginiit ni Poe na kapag binigyan ng provisional authority ang Starlink, makatitiyak na ang Starlink ay tuloy-tuloy na makapagbibigay ng connection nang walang delay maski sa mga lugar na mahirap marating ng gobyerno. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News