Binabalangkas na ng Civil Service Commission (CSC) ang resolusyon na mapapakinabangan ng mga Contract of Service (COS) at Job Order (JO) employees ng gobyerno.
Sa interpilasyon ni Cong. Marissa Del Mar Magsino ng OFW Party-list para sa 2024 budget ng CSC, inusisa nito kung anong intervention ang ginagawa para ma-regular naman ang mga COS at JO employees.
Ayon kay Cong. Arnie Fuentebella, sponsor at vice chairman ng appropriations panel, plano ng CSC na bigyan ng automatic 10-points sa Civil Service Exam ang mga contractual na mahigit sampung taon nang nagseserbisyo sa pamahalaan.
Paglilinaw ni Fuentebella, walang power ang CSC na punan ang nasa 170,800 plantilla positions sa buong pamahalaan, gayunman, sa pamamagitan ng point system magagawa nilang punan ang mga posisyon na inuukupa na ng 10-taon ng isang contractual employee.
May plano din umano ang Department of Budget and Management na kapag ang isang plantilla position ay bakante na sa nagdaang limang taon, ay kanila na itong ia-abolish o bubuwagin. –sa ulat ni Ed Sarto, DZME News