Inihain na ni Sen. JV Ejercito ang resolution na humihiling sa senado na busisiin ang sinasabing sabwatan ng mga doktor at pharmaceutical companies sa pagrereseta ng mga gamot.
Iginiit ni Ejercito sa kanyang Senate Resolution 1011 na layon ng pagsisiyasat na mabigyang proteksyon ang medical profession at mga pasyente laban sa pag-abuso, manipulasyon at pagpaikot ng pharmaceutical companies sa mga batas.
Binanggit sa resolusyon ang naging pahayag umano ng isang Doctor of Medicine at Professor Emeritus ng University of the Philippines na nagbibigay ang pharma companies ng samu’t saring insentibo.
Kabilang anya sa mga regalo ang ballpoint pen at t-shirt, blowout sa mga mamahaling restaurant hanggang sa libreng concert at byahe sa abroad kapalit ng pagrereseta ng gamot ng pharma company.
Sinabi ni Ejercito na kung totoo ang mga alegasyon ay maaaring isa ito sa dahilan ng pagtaas ng gastusin sa gamot ng maraming Filipino.
Una nang kinumpirma ni Ejercito na may mga lumapit sa kaniyang whistleblower o posibleng testigo sa umano’y paglabag sa Universal Healthcare Law at Cheaper Medicines Law.