Mariing tinutulan ni Maguindanao del Sur Governor Bai Mariam Mangudadatu ang panukalang ipagpaliban ang unang eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa pagharap sa pagdinig sa panukala, aminado si Mangudadatu na nagtataka siyang biglang nagbago ang paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. makaraang mangako ito na tuloy ang BARMM Parliamentary Election.
Kung ang pagkakaalis ng Sulu sa BARMM ang dahilan, tanong ng opisyal kung mag-eexit ang lalawigan sa buong bansa, mangangahulugan din ba ito na hindi na tuloy ang halalan sa Pilipinas.
Nagbabala ang gobernador na sa sandaling ipagpaliban ang eleksyon ay mangangahulugan ito na tatanggalan ng karapatan ang Bangsamoro people na piliin ang gusto nilang lider.
Nanindigan si Mangudadatu na sa kasalukuyang pamunuan ng BARMM ay nagpapatuloy pa rin ang kaguluhan dahil mas lalong lumakas ang mga armadong grupo partikular ang MILF dahil sa pondong nagmumula sa block grant.
Taliwas naman ito sa naging pahayag ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez na nagsabing kung ipagpapaliban ang halalan ay mas makabubuo ng mga hakbangin upang maresolba ang security threat.
Sinabi ni Galvez na dapat magkaroon ng sapat na panahon para sa transition sa lalawigan ng Sulu lalo pa’t 10,000 empleyado ang apektado.
Iginiit ng opisyal na napakahalagang bahagi ng BARMM ang Sulu kaya’t marami ring polisiya sa BARMM ang dapat na reviewhin dahil apektado rin dito ang lalawigan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News