Pumalo na sa 25 katao ang naitalang nasawi dahil sa epekto ng habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 22 sa mga nasawi ay subject for validation, habang 3 ang kumpirmadong namatay dahil sa pananalasa ng masamang panahon.
Ang mga kumpirmadong nasawi ay mula sa Region 3, Region 10, at Caraga Region.
Bukod sa mga namatay, 8 katao ang iniulat na nasugatan, habang 8 rin ang napaulat na nawawala.
Samantala, umabot na sa 3.8 milyong katao, o katumbas ng higit 1 milyong pamilya, ang apektado ng malawakang pagbaha at masamang panahon sa 17 rehiyon ng bansa.
Aabot naman sa 167,000 indibidwal, o higit 47,000 pamilya, ang kasalukuyang nanunuluyan sa mahigit 1,000 evacuation centers sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.