dzme1530.ph

REPORT NG SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE, TINIYAK NA HINDI HIHINA KAHIT AMYENDAHAN

Loading

KINUMPIRMA ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo Lacson na may mga binago silang salita sa isinasapinal na committee report kaugnay sa flood control projects. 

 

Gayunman, nananatili anya ang sustansya ng report kabilang na ang rekomendasyon para sa mga nasasangkot na senador at iba pang opisyal ng Department of Public Works and Highways. 

 

Ipinaliwanag ni Lacson na binago nila sa rekomendasyon ang salitang ‘charge’ o kakasuhan para kina Senators Jinggoy Estrada, Joel Villanueva at Chiz Escudero.

 

Sa isinasapinal na report, nilinaw ni Lacson na inirerekomenda nilang maisailalim sa preliminary investigation ang tatlong senador kasama ang iba pang personalidad.

 

Binigyang-diin din ni Lacson na hindi kasama sa kanilang rekomendasyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr na isang impeachable official. 

 

Kasabay nito, pinayuhan ni Lacson ang mga kasamahan na naghahanap ng rekomendasyon sa iba pang personalidad na magpresinta ng kanilang mga ebidensya at tumulong na lamang sa pagsasaayos ng report sa halip na pumuna nang pumuna.

About The Author