dzme1530.ph

Reporma sa Procurement Law, dapat magresulta sa mabilis na pagbili ng defense equipment

Pinatitiyak ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na mapapadali ang pagbili ng bansa ng mga modernong defense equipment sa sandaling maisulong ang reporma sa Procurement Law.

Ito ay sa gitna na rin anya ng pangangailangan ng bansa na palakasin ang proteksyon sa ating teritoryo partikular sa mga kaganapan sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Zubiri na dapat matiyak na sa isusulong na reporma ay mahigpit pa rin ang procurement process subalit mabilis na upang makarating ang tamang equipment sa tamang presyo at oras.

Ipinaalala ng senate leader na dapat makabili ang bansa ng best equipment na hindi naman kinakailangang cheapest o pinakamura.

Kinumpirma ng senador na may mga kaalyado ang Pilipinas na nais magbigay sa atin ng slightly used na equipment kaya dapat anyang tumugon ang ating batas para rito.

Ipinaalala ng senador na ang brand new na equipment ay hindi naman palaging maitutumbas sa kalidad kung saan inihalimbawa nito ang procurement ng ilang bagong police vehicles subalit nang masira ay hindi na magamit dahil sa kawalan ng spare parts na available.

Bunsod nito, isinusulong ni Zubiri ang Senate Bill No. 315 o Philippine Defense Industry Development Act, para sa promosyon ng local production ng defense equipment at material. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author