Sa harap ng dumaraming bilang ng pasyente na pumapasok sa mga DOH-run hospitals, isinulong ngayon ni Quezon City 5th Dist. Rep. PM Vargas ang House Bill No. 3776 o DOH Hospital Bed Capacity Rationalization Act.
Pangunahing layunin ng panukala na bigyan ng kapangyarihan ang Department of Health na magtakda ng bilang ng bed capacity sa kanilang pinapatakbong ospital, nang hindi na kailangan pang humingi ng batas sa Kongreso.
Naniniwala si Vargas na sa ganitong set-up, makakakilos agad ang DOH at makakatugon sa ‘real-time health care demand,’ na magbibigay ng napapanahong serbisyo sa mga pasyente.
Sa ngayon, ang mga government hospitals sa buong bansa ay may alarming bed occupancy rate na 131%, na sobra sa inirerekomenda ng World Health Organization na 80–85% lamang.
Ayon kay Vargas, hindi puwedeng paghintayin ng matagal ang publiko para madagdagan ang bed capacity, kaya dapat bigyan ng flexibility ang DOH na kumilos ng mabilis.
Una nang inamin ni Health Sec. Ted Herbosa na dumagsa ang pasyente sa mga government hospitals matapos ianunsyo ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang zero billing policy sa lahat ng DOH-run hospitals.