dzme1530.ph

Rep. Tiangco, humarap sa pagdinig ng senado kaugnay sa mga iregularidad sa flood control projects

Loading

Humarap sa ikatlong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa mga iregularidad sa flood control projects si Navotas Rep. Toby Tiangco.

Isinalaysay ni Tiangco ang kahalagahan ng mapaharap sa pagdinig si dating House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co dahil kailangang maipaliwanag ang mga pagbabago sa panukalang budget sa bicameral conference committee.

Kasabay nito, kinumpirma ni Tiangco na naibigay na sa kanya ang listahan ng insertions kasama ang proponents.

Isa sa napansin ni Tiangco ang paglobo ng pondo para sa Oriental Mindoro at Occidental Mindoro na mula P1.5 billion at P2.5 billion sa National Expenditure Program ay umakyat sa tig-P20 billion sa General Appropriations Act para ngayong taon.

Kapansin-pansin din aniya ang paglobo sa tig-P2 billion ng pondo para sa Ako Bicol at BHW Partylist.

Ikinagulat din ng kongresista na ang proponent ng malalaking insertions sa bicam ay si Cong. Zaldy Co na umabot sa mahigit P13.8 billion.

Sa simula pa lamang ng pagdinig ay nagkaroon na ng diskusyon kaugnay sa hindi pagsipot ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa kabila ng imbitasyon sa kanya.

Ayon sa Committee Secretariat, nagpadala ng sulat si Magalong na nagsasaad na dahil inaasahan niya ang imbitasyon ng Kamara sa kaparehong imbestigasyon, nais niya munang humarap sa mga kongresista.

Ayon kay Senador JV Ejercito, narinig din niya ang panayam kay Magalong na nagsabing nais niyang dalhin ang laban sa “battleground.”

Sinabi naman ni Committee Chairman Rodante Marcoleta na hindi si Magalong ang magdedesisyon kung saan talaga ang “battleground,” gayunman ipapaubaya na aniya nila sa publiko ang paghuhusga sa alkalde.

About The Author