dzme1530.ph

Rep. Romualdez at Zaldy Co, imbitado sa susunod na pagdinig ng Senado sa flood control anomalies

Loading

Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo Ping Lacson na imbitado na sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sina dating House Speaker Martin Romualdez at dating Rep. Zaldy Co.

Ito ay bukod sa sinasabi nitong “very important witness” na inaasahang dadalo sa pagdinig sa Nobyembre 14.

Sinabi ng nagbabalik na chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na idadaan nila kay House Speaker Faustino Dy ang imbitasyon para kay Romualdez.

Kasabay nito, muling binigyang-diin ni Lacson na pahaharapin din muli nila sa hearing si dating Marine Orly Regala Guteza.

Dahil hindi umano matagpuan si Guteza, ipadaraan nila ang imbitasyon kina Sen. Rodante Marcoleta at dating Rep. Mike Defensor, dahil sila ang naging instrumento o daan para sa kanyang pagharap sa komite.

Ibinunyag din ni Lacson na base sa CCTV footage, nagtungo si Guteza sa opisina ni Marcoleta bago ang sorpresa niyang pagharap sa hearing.

Kinumpirma rin ni Lacson na tapos na ang imbestigasyon ng executive judge ng Manila Regional Trial Court sa umano’y pinekeng notaryo sa sworn statement ni Guteza.

About The Author