Kinundina ni House Speaker Martin Romualdez ang panibago na namang pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa resupply boat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa West Philippine Sea (WPS)
Kasabay nito ay nanawagan si Romualdez sa International Community lalo na sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) neighbors at allies na samahan ang Pilipinas sa pagkundina laban sa China at manindigan sa ngalan ng Freedom of Navigation, Rule of Law at pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon.
Ang panghaharass, pagharang, mapanganib na pag-maneuver at pagbomba ng water cannons sa unarmed vessels na nagsasagawa ng routine operations ay mapanganib at lantarang pagbaliwala sa Diplomatic Processes na ina-advocate ng bawat bansa.
Tiniyak din ni Romualdez na gagawin ng Pilipinas ang kinakailangang hakbang kabilang ang pag file ng Diplomatic Protest para protektahan ang Sovereign Rights ng bansa at tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan.
Dagdag pa nito, kapayapaan ang hangad ng Pilipinas, subalit handa ito at hindi kaylanman ay hindi matitinag sa pagtatanggol sa karapatan nito bilang isang bansa.
—Ulat ni Ed Sarto, DZME News