Hinimok ni Rizal 3rd District Rep. Jojo Garcia ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na atasan ang lahat ng barangay officials sa bansa na linisin ang mga daluyan ng tubig sa kani-kanilang nasasakupan.
Sa briefing ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa House Committee on Public Accounts, iginiit ni Garcia, dating general manager ng MMDA, na basura ang pangunahing sanhi ng pagbaha sa Kalakhang Maynila.
Base sa kanilang karanasan sa San Mateo, Rizal, naging epektibo ang paglilinis ng lahat ng water channels kaya naibsan ang pagbaha sa kanilang bayan.
Aminado si Garcia na pansamantalang solusyon lamang ang paglilinis ng mga daluyan, ngunit malaki umano ang maitutulong nito kung magtutulungan ang buong barangay habang hinihintay ang medium at long-term solution na inaasahang matatapos sa loob ng ilang taon.