Isang Davaoeño na umaming ‘bugaw’ ang lumantad at nagsampa ng mabibigat na paratang laban kay Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, matapos umano itong saktan ng mambabatas, sa loob ng isang bar, kaugnay sa hindi pagkakaunawaan sa bayad para sa isang pickup girl, isang insidente na nakunan ng cctv camera sa nasabing bar.
Sa kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sinabi ni Kristone John Patria y Moreno, 37, na inatake at tinangkang saksakin siya ni Duterte sa loob ng Hearsay Gastropub sa Barangay Obrero, Davao City, dakong alas-3 ng madaling araw noong Pebrero 23, 2025.
Ayon kay Moreno, nagalit si Duterte nang malaman na isa sa kanyang mga bodyguard ay hindi nabigyan ng babaeng kasama.
Lalo pang nagalit umano si Duterte matapos ireklamo ng isang babae, kulang ang natanggap nitong bayad, dahil ₱1,000 lang ang kanyang natanggap imbes na ang naipangakong ₱13,000.
Dito na aniya, siya sunod-sunod na hinead-butt, sinuntok, sinipa at tinaga sa tagiliran habang pinagmumura at pinagbantaan ng kamatayan.
Sinubukan umano ni Moreno na tumakas pero hinarang siya ng mga bodyguard ni Duterte na inutusan din umano na ikandado ang mga pinto ng bar.
Dahil sa matinding takot sa impluwensiya ng Pamilya Duterte, inamin ni Moreno na hindi siya agad nagpa-medical o nagsampa ng kaso.
Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng pahayag si Cong. Duterte hinggil sa mga akusasyon.