Nanawagan si House Deputy Minority Leader Leila de Lima ng Mamamayang Liberal (ML) Party-list kina Senate President Tito Sotto III at House Speaker Martin Romualdez na ipaubaya na lamang sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang imbestigasyon sa flood control scam.
Kasunod ito ng inilabas na Executive Order (EO) 94 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Giit ni de Lima, ngayong buo na ang ICI, mas makabubuti kung titigil na ang Senate Blue Ribbon Committee at House Committee on Infrastructure sa kani-kanilang imbestigasyon upang mawala ang isyu ng conflict of interest at posibleng pagtatakip.
Nilinaw rin ng kongresista na hindi niya sinasabing “guilty” agad ang mga nasasangkot na mambabatas, ngunit mas nararapat aniyang ang ICI na mismo ang magpasya kung may pananagutan ang mga ito.
Dagdag pa ni de Lima, sa simula pa lamang ay tutol na ito sa congressional probe at muling iginiit ang pagsasabatas ng House Bill 4453, na magbibigay sa ICI ng mas malinaw na kapangyarihan kabilang ang power to cite in contempt at subpoena powers.