Humingi na ng dispensa si AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones kay House Speaker Martin Romualdez matapos mag-viral ang litrato at video nito na nanonood umano ng e-sabong habang nasa sesyon.
Ginawa ni Briones ang dispensa sa isang interview, bagaman inaming hindi pa niya personal na nakakausap si Romualdez.
Sa parehong panayam, humingi rin siya ng paumanhin sa taumbayan at sa mga kapwa kongresista na nadamay sa isyu.
Gayunman, iginiit ni Briones na hindi siya nagsusugal o tumatalpak sa e-sabong.
Aminado siyang nabahiran ang imahe ng Kamara dahil sa insidente.
Sinabi pa ni Briones na kontra siya sa online gaming dahil maging ang livestock at poultry industry, pati ang mga magsasaka at mangingisda, ay sinisira umano ng sugal na ito.
Kasunod ng kontrobersiya, plano ngayon ng mambabatas na maghain ng panukala upang i-ban ang online gaming, kabilang ang e-sabong, sa buong bansa.