Pinangangambahan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang posibilidad na mayroong pulis na gumagamit ng pekeng accomplishment para sa kanilang promotion.
Base na rin ito sa binitawang pahayag ni National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairperson Atty. Alberto Bernardo na “seriously flawed” ang sistema ng promotion at performance rating ng PNP Anti-Drug Police Cooperatives.
Ayon kay Barbers, mapanganib ito lalo na sa mga inosenteng tao na kanilang nabibiktima na maaaring nagdurusa na ngayon sa bilangguan dahil sa gawa-gawang kaso lamang.
Dagdag pa ng mambabatas, sa mga fake accomplishments na ito, ang mga opisyal ay patuloy na na-promote at nagkaroon ng kakayahang makontrol ang organisasyon.
Dahil dito, inihayag ni Barbers na asahan ng NAPOLCOM ang buong suporta sa komite sa mga mapanganib na droga at sa pagbuwag sa maling gawain na ito ng pambansang pulisya. —sa panulat ni Jam Tarrayo