Muling iginiit ni Manila 6th District Representatives Benny Abante Jr. ang pagpapahinto ng Philippine Offshore Gaming Operators Operations (POGO) sa bansa, sa halip na i-regulate ito.
Ito’y matapos matuklasan na naman ang isang prostitution den sa loob ng POGO hub sa Pasay City.
Ayon kay Abante, hindi kailangang i-regulate ang isang industriya na kaduda-duda ang mga players at madalas mag-take advantage sa regulatory weaknesses.
Saad pa ng anti-gambling legislator, ang “inherent corrupt industry” ay pugad ng kurapsyon.
Noong Martes sa privilege speech ni Abante, binanggit nito na ipinapakita sa kasaysayan at karanasan na ang pag-regulate sa POGO ay hindi garantiya para mapigilan ang isang “ligal na operasyon” ay mauwi sa illegal dens, bisyo at kriminalidad.
Dagdag pa nito, ang kita mula sa POGO o sugal ay hindi dapat panghinayangan ng gobyerno dahil ang kinahahantungan nito ay pagkabigo at disaster o “road to perdition.”
—Ulat ni Ed Sarto, DZME News