dzme1530.ph

Rep. Abalos kontra sa panukalang buwagin ang 4Ps, iginiit ang reporma sa programa

Loading

Tinutulan ni 4Ps Party-list Representative JC Abalos ang panawagan ni Senator Erwin Tulfo na buwagin o i-phase out ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at palitan ito ng mga livelihood packages.

Ayon kay Abalos, bagama’t sang-ayon siya na mahalaga ang mga programang pangkabuhayan para labanan ang kahirapan, magkaiba umano ang layunin ng 4Ps at ng livelihood programs.

Paliwanag ng kongresista, layunin ng 4Ps na mamuhunan sa edukasyon at kalusugan ng mga batang kabilang sa mahihirap na pamilya, sa pamamagitan ng conditional cash grants kapalit ng regular na pagpasok sa paaralan, pagpapasuri sa doktor, at pagdalo ng mga magulang sa buwanang family development seminars.

Giit ni Abalos, hindi pagbuwag kundi recalibration ang solusyon sa mga isyu ng programa upang matiyak na ang mga tunay na benepisyaryo lamang ang nakikinabang.

Ani ni Abalos, walang perpektong programa ngunit hindi sapat na dahilan ito para ibasura ang 4Ps.

Dapat pa nga aniya itong patibayin at ayusin upang matiyak na walang padrino system, walang halong politika, at para maging patas para sa lahat ng benepisyaryo.

About The Author