Pinaluluwagan ni Northern Samar Rep. Paul Daza sa Philippine Regulatory Commission (PRC) ang licensure examination.
Ayon kay Daza, bagama’t marami ang graduates sa bansa, mababa naman ang passing rate ng licensure exam kung kaya’t hirap pa rin ang mga ito na makapag trabaho.
Sa datos, lumabas na noong 2017 hanggang 2022, 53.58% lamang ang mga pumasa sa 36 professions o halos kalahati ng bilang ng examinees.
Dahil dito, iginiit ng mambabatas na sang-ayon siya sa panukala ni DOH Sec. Ted Herbosa na luwagan ang mga regulasyon sa lahat ng licensure examination sa bansa.
Panahon na aniya na basagin ang mga nakasanayan. Kailangan na pagsikapan ng pamahalaan na tiyaking mabilis na makakakuha ng trabaho ang mga nakapagtapos ng pag-aaral upang makatulong sa pag-unlad ng bansa. —sa panulat ni Jam Tarrayo