Kinalampag ni Sen. Erwin Tulfo ang mga kaukulang ahensya kaugnay sa hinaing ng ilang seafarers sa mga ipinakukuhang refresher courses training sa kanila habang nakabakasyon sa bansa.
Hinaing anya ng ilang seaman partikular ng mga engineers at deck officers ng mga barko na sa halip na makasama ang pamilya, nauubos lang sa mga face-to-face schooling ang kanilang bakasyon.
Nangako ang senador na agad tatawagan ng pansin sina Maritime Industry Authority Administrator Sonia Malaluan at Department of Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac para gawin na lang online ang mga refresher courses o schooling na ito.
Sinabi ng senador na bukod sa gastos sa pamasahe o gasolina at pangkain araw-araw, nababawasan pa ang panahon ng mga seaman na makasama ang kanilang pamilya sa training.
Napag-alaman na tumatagal ang mga refresher courses na ito dahil maliban sa oras ng training, kumakain din ng oras ang biyahe at paghahanda.
Sang-ayon naman si Sen. Raffy Tulfo sa reklamo ng grupo ng seafarers na ito at sinegundahan din ang panawagang gawing online ang mga kurso na dati na rin anyang naipatupad.