Naniniwala si Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald dela Rosa na muling pinalakas ng mga tauhan ng New People’s Army ang pagre-recruit sa mga kabataan sa local communist terrorist group.
Sa pagdinig ng kumite, sinabi ni dela Rosa na ngayong nagbago ang administrasyon ay lumalakas na naman ang loob ng recruiters’ ng mga kabilang sa mga komunistang group lalo na sa hanay ng mga student organizations sa mga paaralan.
Kapansin pansin aniya sa nagdaang administrasyon ay huminto ang NPA sa pagre-recruit sa mga estudyante pero ngayon sa ilalim ng Marcos administration ay bumabalik sila sa aktibong panghihikayat sa mga kabataan.
Kasabay nito, inimbitahan ni dela Rosa si Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa susunod na pagdinig ng kumite makaraang mabanggit ang pangalan ng kongresista sa recruitment ng mga miyembro ng NPA. Nilinaw naman ni dela Rosa na iginagalang niya ang Inter-Parliamentary courtesy subalit nais aniya niyang bigyang pagkakataon ang kongresista na magpaliwanag sa pagdinig.
Sa pagdinig, pinangalanan ni Kate Raca si Manuel na kasama niya sa recruitment ng UP students’ para sa kilusan.
Iginiit pa ni Raca na kasama pa niya si Manuel sa pagtungo sa kuta ng NPA upang makita kung saan dadalhin ang mga estudyanteng kanilang mare-recruit.