dzme1530.ph

Reclamation projects sa Manila Bay, pinabubusisi sa Senate Blue Ribbon Committee

Iginiit ni Senador JV Ejercito ang pangangailangan na magsagawa ng sariling imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa mga kwestiyonableng reclamation projects sa Manila Bay.

Partikular anyang dapat tutukan sa imbestigasyon ang papel ng Philippine Reclamation Authority (PRA) sa mga proyekto.

Ipinaliwanag ni Ejercito na pinagkalooban ng PRA ng awtoridad ang local government units (LGUs) sa pakikipagnegosasyon at pag-aapruba sa reclamation projects.

Nagtataka ang senador kung bakit ipinagkatiwala ng PRA sa mga LGU ang Manila Bay na isang national asset.

Ipinaalala pa ni Ejercito na ang mga nakalipas na reclamation projects ng gobyerno ay isinakatuparan mismo ng national government.

Sinabi ni Ejercito na kaduda-duda ang mga proyekto dahil mistulang minadali ang mga ito na naisakatuparan bago matapos ang termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kailangan din anyang matukoy sa imbestigasyon kung nakonsulta ang DPWH at MMDA sa mga proyekto dahil kung hindi ay nangangahulugan ito na walang maayos na engineering plan ang mga ito.

Una nang nilinaw ng PRA na tatlo lamang sa mga ongoing projects ang apektado ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Manila Bay sa paggiit na nasa compliance stage pa lamang ang ibang proyekto. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author