Naniniwala si Senate President Pro Tempore Loren Legarda na hindi kalianman ecological option ang reclamation.
Kaya naman ikinalugod din ni Legarda ang pagsuspinde ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa reclamation project sa Manila Bay habang nakabinbin pa ang pagrepaso dito ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ipinaliwanag ni Legarda na ang reclamation ay isang engineering na naglalayong palawakin ang land area at ginagawa lang anya ito kapag maliit ang lupain sa isang lugar.
Pero kung ang intensyon lang ng reklamasyon ay para pagkakitaan, dapat anya na maging maingat at mapagbantay ang buong bansa.
Ito naman anya ang tunay na dahilan ng paghahain niya ng panukalang naglalayong amyendahan ang Environmental Impact Assessment System at Integrated Coastal Management.
Binigyang-diin ng senador na bahagi ng ating intergenerational responsibility na tiyakin na ang mga nagiging desisyon ay ecologically sound at hindi nakakadagdag sa nararanasang climate crisis. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News