Kinundena ng P1NAS, isang Citizens Movement for National Sovereignty ang nilagdaan na Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Ayon kay P1NAS Spokesman Former Congressman Antonio Tinio, ang RAA ay pagpayag ng Pilipinas na i-deploy ng Japan ang kanilang pwersa sa Philippine soil na mapanganib dahil magsisilbi itong magnet para sa posibleng digmaan at banta sa soberanya.
Hindi lamang aniya ito simpleng defense pact dahil binibigyan-laya ng ating gobyerno ang Japanese military forces na manatili sa bansa sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang World War II.
Posible umanong manariwa sa alala ang sugat ng brutal na pananakop ng mga hapones kung saan naging biktima ang mga Pilipino gaya ng comfort women, Bataan Death March at marami pang war crimes.
Kumbinsido ang P1NAS na ang RAA ay dinesenyo ng Amerika para kontrolin ang China at mapanatili ang paghahari nila sa Asya.
Ayon pa sa grupo, lantaran nang pinapakita ang pag-deploy ng Amerika ng kanilang Intermediate-range Missile Launcher sa Northern Luzon, F-22 Raptor Fighter Jets at Reaper Drones sa Pampanga, at ngayon naman ay ibinubukas ang pintuan sa hukbo ng Japan.