dzme1530.ph

RECALL NG INFANT FORMULA NG ISANG MALAKING KUMPANYA, PINAIIMBESTIGAHAN

Loading

Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa Food and Drug Administration (FDA) na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay ng pagre-recall ng mga produktong Nan Optipro at Nankid Optipro ng Nestlé Philippines, na kabilang sa linya ng infant at growing-up milk formulas ng kumpanya.

Ayon kay Gatchalian, ikinababahala ng maraming magulangang posibleng epekto ng recall sa kalusugan at kaligtasan ng mga bata, lalo na’t ang mga produktong ito ay matagal nang pinagkakatiwalaan ng publiko.

Binigyang-diin ni Gatchalian na mahalagang matukoy ng FDA ang mga pangyayari na nagresulta sa recall at kung sapat ba ang mga umiiral na pamantayan sa kaligtasan at quality control para sa mga produktong para sa sanggol at maliliit na bata.

Inaasahan din ng senador ang buong pakikipagtulungan ng Nestlé Philippines sa anumang imbestigasyong isasagawa ng FDA.

Idinagdag pa niya na dapat tiyakin ng kumpanya na lahat ng hinaing at alalahanin ng mga apektadong magulang at tagapag-alaga ay agad at maayos na matutugunan.

About The Author