Ganap nang batas ang Real Property Valuation Assessment Reform Law na magpapabilis at magpapalakas sa tax valuation at assessment sa mga ari-ariang lupa sa bansa.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act 12001 na magtatatag ng uniform o iisang real property appraisal sa lahat ng mga local government units kung saan gagawing batayan ang kasalukuyang market value at ito ay naaayon sa international standards.
Sa kanyang talumpati, inihayag ng Pangulo na bahagi rin ito ng hakbang sa pag-modernize sa mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng lilikhaing Real Property Information System para sa komprehensibo at digitalize na Real Property Tax Administration.
Sinabi rin nito na ngayon ay hindi na kailangang umasa pa sa out-dated valuation system dahil sa bago at pinalakas na sistema.
Idinagdag pa nito na ang batas ay nag-ugat sa pagnanais na mapalakas ang tax collection system upang makalikom ng mas malaking kita o revenues, makalikha ng mga trabaho, at investments.
Gayunman, sa ilalim ng batas ay ipatutupad din ang dalawang taong tax amnesty sa interes at penalties sa mga hindi pa nababayarang Real Property Tax.