dzme1530.ph

Quiboloy, hinamong humarap muna sa Senado bago balaking mamuno sa bansa

Hinamon ni Senador Risa Hontiveros si Pastor Apollo Quiboloy na bago magbalak na pamunuan ang buong bansa, unahin muna niyang humarap sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa mga reklamong pang-aabuso sa kanyang mga miyembro.

Ito ang sagot ng senadora sa pahayag ni Quiboloy na handa siyang mamuno at inaalay na niya ang kanyang sarili para sa bayan.

Sinabi ni Hontiveros na kung inaalay ni Quiboloy ang sarili para sa bayan, dapat ipakita muna nito ang pagtugon sa obligasyon na makipagtulungan sa mga aksyon ng gobyerno kasama na ang pagsisiyasat ng Senado.

Umaasa rin ang mambabatas na kung gaano inaalay ng Pastor ang kanyang sarili para sa kalayaan ay ganitong kalayaan din ang ibigay sa mga babaeng miyembro niya na inabuso at wala nang kalayaang pumili.

Kasabay nito, iginiit ng senador na isusulong niya ang pag-cite for contempt kay Quiboloy kung hindi ito haharap sa pagdinig sa Marso 5 at hihilingin ang pagpapalabas ng Warrant of Arrest laban sa kanya.

Hihingi rin aniya ng tulong si Hontiveros sa Philippine National Police (PNP) para ipatupad ang arrest warrant sa pastor sakaling lagdaan ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

About The Author