dzme1530.ph

Quiboloy, harapang tinawag na impostor at manloloko

Harapang tinawag ng isang victim survivor si Pastor Apollo Quiboloy bilang impostor, oppressor at deceiver na minanipula ang paniniwala ng kanyang miyembro.

Sa pagharap sa hearing, ikinuwento ni Teresita Baldehueza ang mga naranasan nya sa kamay ni Quiboloy bago pa siya akusahan ng Kingdom na nagnakaw ng P3 milyon at panunukso sa Pastor.

Nagsimula aniya siyang maging miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) noong siya ay 17-taong gulang kung saan hinimok siya mismo ni Quiboloy na isuko ang kanyang sarili, katawan at kaluluwa bilang pagsisilbi sa Ama.

Bagama’t may mga kwestyon sa kanyang isipan ay sumunod lamang si Baldehueza dahil ang palaging sinasabi sa kanila na ang anumang hindi pagsunod kay Quiboloy ay makararanas ng hindi magandang kapalaran.

Naging bahagi rin siya ng carollers ng KOJC at binigyan anya ng kota kada Disyembre ng hanggang ₱15 milyon.

Isa rin si Baldehueza sa mga pinadala sa Amerika kung saan nakita nya ang pagiging double standard sa mga miyembro ng KOJC dahil pinagpasasaan anya nila sa Estados Unidos ang perang pinaghirapan ng ilan pa nilang mga miyembro.

Dahil dito, nanlamig din siya sa Kingdom at dito na siya pinarusahan sa pamamagitan ng pagpapabalik at pagkulong sa kaniya sa Prayer Mountain at isinasailalim sa fasting.

Malaki raw kasi ang kanyang kasalanan kabilang ang panunukso kay Pastor, pakikipagtalik sa ibang ministro at pagnanakaw ng ₱3 milyon.

Nang makalabas naman aniya siya sa Kingdom ay tinangka siyang ipapatay sa pamamagitan ng personal bodyguard ni Quiboloy na si Alex Camia. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author